Bulaklak

Here is the author’s first work to be written in Filipino. The short story, Bulaklak.

BULAKLAK

Hindi lahat ng bulaklak ay tuluyang namumulaklak. May ibang nalalanta bago pa ito bumuka. Ang iba naman ay nadudurog o napipitas ng hangin. Hindi rin lahat ng bulaklak ay hinahangaan. May ibang malaki, maliit, mabango at mabaho. Ang mga bulaklak ay may kaniya-kaniyang mga katangian – depende sa pinanggalingan. Sa dinami dami ng mga bulaklak sa mundo, hindi natin masisiguro kung alin man dito ang pinakamaganda dahil sa iba-iba ang pananaw ng mga tao.

Rosas

“Ma-ma.”

Sanay na akong marinig ang salitang ito. Malapit na siguro ang araw na magsasawa ako sa salitang ito. Ngunit kailangan kong masanay na tinatawag ng ganito.

“Very good, baby!”

Ako si Rose. Ako ay may dalawang anak. Isang babae at isang lalaki. Ang panganay ko, si Rhodonderon, ay nagtatrabaho na. Si Iris naman, kakatapos lamang ng kolehiyo. O kay saya ng kaginhawaan! Natapos na rin ang paghihirap ko sa pag-aalaga sa kanila. Sila ay ang aking mga munting mga bulaklak na malapit nang mamulaklak. Ako’y nasasabik sa darating pang mga araw. Ano kaya ang kanilang magiging desisyon sa buhay? Maikakasal ba kaya si Iris? Magkakatuluyan ba si Rhodonderon at ang kaniyang kasintahan? Magkakaapo ba kaya ako?

Ngunit kapag iniisip ko ang mga ito, masakit din isipin na mawawalay na sila sa aking mga piling. Tuluyan na silang luluwas sa tahanan na kung saan sila pinalaki at maghahangad ng panibagong matitirhan. Hindi ko ito gusto ngunit ito talaga ang mangyayari. Alam ko na ito simula pa noong ipinanganak sila.

Matapos ang ilang araw na lumipat na ng bahay ang aking mga anak, tanging mga bulaklak ko sa hardin na lang ang aking inaalagaan. Hindi man sila nagsasalita, naiisipan ko pa ring alagaan ang mga ito upang tuluyan silang mamulaklak. Para sa akin, mas madaling mag-alaga ng mga bulaklak kaysa sa mga tao. Ang tao kasi, madaming reklamo. Mabuit pa ang bulaklak, kung ano na lang ang ibigay mo, tatanggapin niya ito, walang karekla-reklamo.

Lahat ng uri yata ng mga bulaklak ay naitanim ko sa aking hardin. Mga gumamela, orchids, santan, sampaguita, at marami pang iba. Hindi ko na nga maalala ang mga pangalan ng mga ito.

Nanghihinayang ako sa aking mga rosas, nalalanta silang lahat. Ano man ang gawin ko, hindi na sila lumalaki pa. Mula buko pa lamang, malalanta na. Ang mga alaga kong Iris naman ay nangunguha ng lugar ng mga rosas ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi naman ganito ang katangian ng mga Iris, ngunit bakit? Bakit sila nang-aagaw ng lugar ng aking mga rosas? Humagulgol ako ng malakas. Mula pa noong bagong lipat pa lamang kasi kami ay ganito na ang aking mga rosas. Paborito ko pa naman ang mga ito.

Mahirap man tanggapin, matanda na ako. Wala na ang dating hiyang at kinis ng aking kutis. Wala na din ang dulas ng aking buhok at ang magagandang kulot nito. Namumuti na rin sila, hindi tulad noon, ang sigla-sigla ng kulay. Ampuputi na ng mga buhok ko, maging sa balahibo. Kasimputi sila ng mga Iris ko.

Ikakasal na ang aking anak na si Rhodonderon nang ako’y atakihin sa puso. Isinugod ako sa ospital at doon ako nanuluyan mula noon. Hindi pa ako pinapaalis ng ospital dahil nasa “recovery state” pa raw ako. Ang tamlay talaga ng ospital! Hinding hindi ko talaga ito nagugustuhan! Nagpadala nga ako ng mga bulaklak sa aking mga anak upang mabuhayan naman ang aking paligid.

“Ano pong bulaklak ang gusto ninyo, inay?”

“Rosas. Bilhan mo ako ng rosas.”

Matapos ang ilang araw, dumating na ang mga rosas. Malalaki at mapupula. O kay ganda! Matagal na akong hindi nakakita ng mga rosas na ganito kaganda. Ngunit matapos ang ilang araw, nalanta nanaman ang mga ito, maski minu-minuto ko itong pinapadiligan. Hindi ko na kinayanan. Nawala na ako sa aking sarili.

“Nanay, okay lang yan! Bibilhan na lang kita ng bago!”

“Hindi! Wala na ang mga rosas! Wala na!”

“Nanay, rosas lamang po ang mga iyan!”

“Hindi!”

“Opo! Rosas lang po ang mga iyan! Madami pa pong iba!”

“HUWAG! Huwag mong ilabas ang mga nalantang bulaklak!”

“Nanay, bumabaho na po sila!”

“Huwag!”

“Nanay! Huwag po…!”

“Huwag mo akong tawaging nanay dahil hindi mo ako nanay!”

“Ano po? Naku po, nasisiraan na yata ng bait si nanay. Pano na, Rhodo?”

“Hindi! Narinig mo ako nang tama! HINDI MO AKO NANAY!”

Iris

I

RRRRRRRIIIIIIIIIIIIIIIIIIIINNNNNNNNNNNNNNNGGGGGGGGGGG!!!!!!!

“Hay naku, umaga na! Gusto ko pang matulog!”

Ito ang parati kong sinasabi tuwing tutunog na ang aking alarm clock. Mahilig kasi akong matulog. Kinaiinisan ko ang magising tuwing umaga. Gusto ko palagi akong tulog kaya parati akong naiinis tuwing umaga. Para sa akin, ok lang ‘yon dahil nawawala naman ang inis ko pagkatapos mag-umagahan.

“Kamusta ka na, iha?”

“Ok lang po, Eve.”

Hindi ko tinatawag na nanay at tatay ang aking mga magulang – dahil hindi sila ang aking tunay na magulang. Inampon lang nila ako. Sabi nila, ako daw ang anak ng isang pasyente nila na nawala ng biglaan sa oras ng operasyon, kung kaya kinupkop na lang nila ako. Nagpapasalamat ako para doon – kinupkop nila ako. Nakakabanas nga lang ang aking tunay na magulang. Sa lahat pa ng pwedeng iwanan, sa ospital pa talaga.

Umpisa na ng summer vacation. Ang panahong inaasam-asam ng bawat estudyante sa mga paaralan pagtungtong pa lamang ng Hunyo.

Sa wakas! Wala nang mga pagsusulit! Maaari na akong maglakwatsa. Kaso nga lang, hindi ko na masyadong kasama ang aking mga magulang dahil palagi silang nagtatrabaho.

“Mauuna na po ako!”

“Sige! Mag-ingat ka ha! Huwag mong kalimutan ang gamut mo!”

“Opo!”

Meron nga pala akong sakit sa dugo. Palagi akong iniiniksyon tuwing namumutla na ang aking pisngi. Paminsan-minsan, nilalagyan ko na lamang ng kolorete ang aking pisngi upang hindi mainiksyonan. Masakit kasi ito, sobra-sobra.

Mahilig akong pumunta sa mga pook-pasyalan kasi mahilig akong maglakwatsa.

Paborito kong puntahan ang mga mall. Sa mga ganito ako halos namamasyal palagi. Madami kasi akong nakikita. Andaming bariyasyon ng mga kagamitang binebenta. May mga bag, cellphone, libro, kagamitang pang-eskwela, mga burloloy, damit, kolorete, pabango – halos lahat na lang yata meron sa isang mall!

Inabutan ako ng tanghalian kakalakwatsa. Kumulo na ang aking tiyan. Napag-isipan kong mananghalian sa Shakey’s. Masarap kasi ang mga pizza dito – maganda pa ang service!

Habang nag-iintay ako sa waiting line, tumibok ang aking puso. Hindi normal ang pagtibok nito – kutob na may sakit at diin. Parang ang bigat-bigat ng aking puso. Mabilis itong tumitibok. Hinihingal ako. Pakiramdam ko’y sinasakal ako habang naiipit ang aking puso. Ang sakit na ng aking masikip na dibdib.

Inobserbahan ko ang aking paligid. Wala naman akong nakikitang kakaiba o masama. Hindi ko alam kung bakit ganito ang tibok ng aking puso. Hindi ko na ito kaya. Tumayo na ako sa inuupuan ko at nagpasalamat na lamang sa host. Hinawakan ko na ang aking dibdib sa sobrang sakit. Lumabas na ako ng kainan.

Sa sakit ng aking dibdib, hindi ko na kayang maglakad na lang. Tumakbo na ako papalabas. Lahat ng mga waiter at mga customer ay tumitingin na sa akin. Napapansin kong gusto nila akong tulungan, ngunit hindi ko na lang sila pinansin.

Sumingit sa aking isipan ang sakit ko sa dugo. Baka nagkaroon na ako ng blood clot sa puso. Lumalabas na ang mga luha ko sa aking mga mata – kasabay ng pagkulog ng langit.

Maliit lang ang kainan. Hindi ko malaman kung bakit parang ang layu-layo ng labasan. Sinipag ko na lang lakarin palabas. Hindi ko kinayanang tumakbo. Sumasakit pa lalo ang dibdib ko.

Sa wakas! Nakalabas na din ako. Nararamdaman ko ang haplos ng hangin sa aking balat. Tumayo ang lahat ng aking mga balahibo sa katawan. Ang aking mga mata ay napatitig na lang sa bagay na nakatayo sa harapan ko. Ang kaanyuan ng bagay na ito ay kakaiba ngunit kapansin-pansin. Kilalang-kilala ko ang anyo nito, ngunit hindi ako makapaniwala. Ang alam ko ay iisa lamang ang bagay na nakatayo sa aking harapan ngayon. At ang nag-iisang iyon ay aking pagmamay-ari. Ngunit, ano itong bagay na kaharap ko ngayon?

Napansin niyang nakatitig na lang ako sa kanya. Napansin ko rin na nakatitig lang siya sa akin. Nagtitigan kami ng matagal. Hindi ko alam kung gaano ito katagal. Tila ba ang aking mga pakiramdam – pandinig, panghawak, pang-amoy, panlasa, paningin – ay nawala na sa akin at ang tanging bagay na nakikita ko ay ang di kapani-paniwalang bagay na nasa harapan ko.

Tila ba tumigil ang pag-ikot ng mundo at ang pagtakbo ng oras. Hindi ko na maramdaman ang hanging humahaplos sa aking namumutlang pisngi. Tila ba kami na lamang ang natitirang mga tao sa mundo.

Bumalik lang sa akin ang lahat ng magsalita siya at ang tanging salitang sinabi niya ay ang bagay na naghihiwalay sa akin sa ibang mga tao – ang gumagawa sa aking pagkatao at dignidad.

“Iris.”

II

Naaalala ko noong ako’y bata pa nang madalas sabihin sa akin ng aking mga magulang ay hindi dapat ako magpakilala sa mga taong hindi ko kakilala. Huwag daw ako basta bastang magsabi ng aking pangalan at siguraduhin ko daw na kakilala ko ang taong kaharap ko.

Tuwing hinaharap ko ang salamin, kapansin-pansin ang pagkaputi ng aking kutis, at ang magandang kulot ng aking itim na buhok. Nakikita ko ang maberde kong mga mata na litaw na litaw sa maputla kong kutis.

Tila ba kaharap ko ang salamin sa tagpuan naming ito.

“Magandang tanghali, sa iyo.”

Ito na lamang ang naisip kong sabihin, na may kasamang matamis na ngiti at masiglang pagbigkas. Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang aking pangalan, at kung paano niya ako nakilala. Sa aking pagkakaalam, wala akong kakilalang taong kamukha ko.

Ningitian ko siya mula at naglakad papalayo. Masakit pa rin ang aking dibdib, at nanlalamig na ang aking mga kamay.

“Iris” ang muli niyang tawag.

Hindi ko siya nilingunan. Patuloy akong naglakad papalayo at umasang hindi na niya akong lalapitan pa ngunit sinusundan niya ako.

Naglakad lang ako patungo sa parke sa gitna ng ciudad. Hindi ko na siya namataan pa. Nagbigay ako ng buntong-hininga. Sa wakas at hindi na niya ako sinundan hanggang dito. Napaupo ako sa bangketa at iniksyunan ang sarili ko. Hindi ko na makayanan ang sakit.

Matapos kong iniksyunan ang sarili ko’y napansin ko na may mga bulaklak pala sa tabi ng bangketang inuupuan ko. Punung-puno ng mga rosas na mapupula na may hinalong mga iris na puti. Ang ganda ng pagkakaayos! Namangha ako sa kagandahan nito habang hinahawakan ang aking nagdurugong braso.

“Ok ka na ba?”

Nagulat na lamang ako nang biglang may magsalita mula sa aking likuran. Hindi ko inakalang hahabulin niya ako hanggang dito.

“Patawad, ngunit hindi ko po kayo kakilala.”

Sabi sa akin ng mga magulang ko, na hindi lahat ng mga taong tumatawag sa akin sa pangalan ay mapagkakatiwalaan. Maaaring maging mga manloloko lamang sila at mga kidnappers. Sabi nila, ito na lang daw ang aking sabihin sa kanila at huwag nang magpapilit.

Tumayo na ako sa aking inuupuan habang hinahawakan ang aking braso. Sinubukan kong maglakad, ngunit masakit pa rin ang aking puso.

“Huwag mo nang ipagpilit. Hindi kita aanuhin.”

Hindi ko alam kung papaniwalaan ko ba ang taong ito. Hindi ko alam kung bakit ganito ang anyo niya, at kung bakit mabait siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong gawin dahil ngayon lang ito nangyari sa akin.

“Masakit ba? Parehas tayo. May sakit ako sa puso.”

Napatingin ako sa kanya. Napansin kong hindi siya nanloloko. Bakat sa kanyang mga mata ang sincerity. Umupo ako katabi niya sa bangketa nang alukin niya ako.

Tahimik lang kami doon nakaupo. Walang sinasabi at minamasdan ang kagandahan ng kalikasan sa kalagitnaan ng lungsod.

“Ang ganda ng langit ngayon. May halo ng kulay pula at kahel. May bakas pa ng dilaw.”

Tahimik lang ako sa kanyang tabi. Tinignan ko ang itinuturo niya. Maganda nga ang langit sa pagbaba ng araw. Ang mga sinag ng araw ay inaabot ang mga ulap at ang araw ay pababa. Tila ba parang sinusubukan pa rin ng araw na umangat, ngunit masyado na siyang nabibigatan sa sarili niya.

Nilakasan ko ang aking loob at kinausap na ang taong katabi ko.

“Paano mo ako nakilala?”

Tahimik lamang siya at nakangiti, ang nunal niya sa pisngi’y lumitaw.

“Bakit mo ako kilala?”

“Ako nga pala si Rose. Nice to meet you.”

Inabot niya ang kanyang kamay upang makipagkamay at kinuha ko naman ito. Ngumingiti siya at may kasamang mahihinhin na mga tawa. Tila ba kami’y parang mga batang nakikipagkilala sa isa’t isa at maya-maya’y maglalaro na ng kung anu-ano.

“Kilala kita, dahil ikaw ay aking kakambal sa pisikal na anyo. Iisa ang ating pinanggalingan.”

Tumalon ang aking puso. Tama ba ang aking narinig?

“Rose, kapatid ba kita?”

“Maaari mong sabihin iyan ngunit hindi ko maaaring masabing tayo ay magkapatid. May iisa tayong mukha, ngunit magkaibang pagkakatao.”

Hindi ko na napakinggan ng maigi ang mga sinabi niya pagkatapos. Ang aking puso ay sumigla at nawalan ng sakit sa pagkakasabi niya ng mga salitang “kakambal” at “kapatid”.

“Rose, maaari mo ba akong ipakilala sa ating mga magulang?”

Hindi ko na nakayanang itago ang gusto kong maipahiwatig. Kumilos na lamang ang aking mga bibig at hindi ko na naitikom pa ang mga ito.

Nawala sa kanyang mukha ang kasiglaan nito at pinalitan ng kalungkutan. Nakita ko pa lamang ang kanyang mukha, ay naintindihan ko na ang lahat.

III

Umuwi na ako sa bahay. Wala pa sina Adam at Eve. Napag-isipan kong umakyat na lamang sa aking kwarto.

Habang ako’y umaakyat ng hagdan, napansin ko ang isang filing cabinet. Ngayon ko lamang ito napansin. Hindi ako magkanda ugaga kung ano ba ang dapat kong gawin. Gusto kong malaman kung ano ang mga laman nito ngunit hindi ko gustong buksan ito baka kasi hindi ko ito dapat malaman tulad ng mga papeles ng mga operasyon at mga blueprint ng mga makina ng aking ama na itinatago nila. Confidential, kumbaga.

Nakipagpustahan ako sa aking sarili. Kumuha ako ng isang barya sa aking sisidlan at nag-toss coin. Heads para sa bubuksan ko at tails para sa hindi. Ibinato ko na ito at heads ang lumabas.

Nilapitan ko na ang filing cabinet at lumunok ng malalim. Sana ay walang mga ipis o daga sa loob. Inabot ko na ang hawakan nung unang drawer at binuksan ko ito. Puro envelope ang nakalagay. Mga liham at mga research paper. Binuksan ko ang ilaw upang lumiwanag naman ang kwarto. Halos madilim na kasi. Nang mabukas ko na ang ilaw ay natawag ang aking pansin ng isang malaking envelope na may nakasulat na IREHS. Nakuha nito ang aking atensyon dahil sa simpleng rason na katunog nito ang aking pangalan. Umupo ako sa upuan na nakapwesto malapit lang sa cabinet at inobserbahan ko ang envelope at kung paano ito bubuksan.

Project I.R.E.H.S.

Initial Response to Embody the Human System

Nagulat na lamang ako nang may biglang bumukas ng pintuan. Nakauwi na sina Adam at Eve. Nagmamadali akong ibalik ang envelope sa filing cabinet at bumaba upang ibati sila. Sinara ko na ng tahimik ang cabinet at nagmamadaling bumaba.

“Magandang gabi!”

“O, Iris! Narito ka na pala.”

“Opo, halos magkasabay po tayo dumating.”

“Pansin ko nga. Magbihis ka na, Iris. Malapit na tayong kumain.”

“Opo.”

Sabay kaming tatlo umakyat at pumunta sa kani-kaniyang mga kwarto. Nagbihis na ako ng pambahay at bumaba na upang maghapunan.

“Kamusta naman ang araw mo, Iris?”

“Ok lang po. Kayo po?”

“Hay, naku. Ganun pa rin! Payenteng nagrereklamo sa sakit.”

“Tama na, mahal. Masyado mo namang dinidibdib ang mga pasyente mo.”

“Hay naku! Huwag mo nga akong pagsabihan!”

“Adam, may tanong lang po ako sa inyo.”

“Ano iyon, iha?”

“May kakambal po ba ako?”

IV

“Hindi ko alam.”

Ito lang ang sinabi sa akin ni Rose.

“Bakit hindi mo alam? Masyado ba silang busy?”

“May pagka. Oo.”

“Ano ba trabaho nila?”

Hindi umimik si Rose. Sa aking palagay, ikinahihiya niya ang aming mga magulang.

“Bakit napatahimik ka?”

“Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa iyo ang katotohanan.”

Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan at ang nagugulong emosyon. Naiintindihan ko siya. Hindi ko aakalaing namatay na pala an gaming mga magulang. Mahirap siguro ito para sa kanya.

“Patawad. Hindi ko alam na namatay na pala sila.”

“Hindi!”

Napaluha na ang mga mata ni Rose.

“Hindi mo na kailangan itago pa, Rose. Maiintindihan ko naman.”

“Salamat, pero hindi pa sila patay.”

“Ah! Ganun pala. Patawad ulit!”

“Ok lang.”

“Bakit ka umiiyak?”

“Iris, hindi ko talaga alam kung paano ko ito sasabihin.”

“Sabihin ang ano?”

“Hindi kita kapatid.”

V

Tumingin lamang si Adam kay Eve, at tila bang namromroblema sila.

“Bakit?”

Tumingin lamang sila sa akin.

“May itinatago ba kayo sa akin?”

“Paano mo nasabing may kakambal ka?”

Napatahimik ako sa tanong nilang dalawa. Tinignan nila ako nang tila nag-aabang ng isang kasagutan.

“Wala lang.”

Tumawa lamang sila at sinabing huwag ko nang isipin ang kung anu-ano.

Matapos maghugas ng aming mga pinagkanan ay umakyat na ako. Nagtatrabaho pa kasi sina Adam. Napagtuunan ko nanaman ng pansin ang filing cabinet. Tinignan ko muli sina Eve at siniguradong hindi nila maririnig ang pagbukas ng filing cabinet. Maingat kong binuksan muli ang drawer at inilabas ang envelope ng IREHS. Sinara ko na muli ang drawer at tumungo na sa aking silid. Kinandado ko ang pintuan ko at umupo sa kama. Nilatag ko ang mga nilalaman ng envelope sa kama.

Kapansin-pansin ang mga research paper. Ang lahat ng mga iyon ay tungkol sa Biotechnology, Biochemistry at maging sa Genetics. Lahat ng mga nakalahad sa mga papel ay mga blueprint, obserbasyon at mga experiment paper. Napansin ko ang isang observation paper.

Naririnig ko ang pagtugtog ng piyano sa sala. Naisip kong si Adam ang tumutugtog. Mahilig kasi siya sa musika, lalo na ang mga musikang klasikal.

Binuklat ko lalo ang nakatiklup-tiklop na papel. Minamasdan ko ang bawat isa.

March 20, 1992

Project IREHS is a success. We are waiting for the development of the genetic foundations taken from fetus test object. We are truly grateful to the Lancasters.

April 15, 1992

Project IREHS developed into a fetus. Project shall now be addressed as Iris.

Natulala ako sa haba ng mga deskripsyon at obserbasyon. Lumakas ang tibok ng aking puso tuwing nakikita ko ang pangalan ko. Bakit iyon narito? Ano ang kinalaman ko sa proyektong ito?

Napansin kong tumigil na ang pagtugtog ng piyano sa ibaba at kumakatok na sa pinto ko si Adam.

“Iha, nandiyan ka ba?”

“Opo! Sandali lang po!”

Dali-dali kong inayos ang mga papeles na nakakalat sa kama. Isinuksok ko na sa envelope at itinago sa file case ko. Tumayo ako at pinapasok si Adam.

“Tinitignan ko lang kung tulog ka na. Hindi mo na kailangan magkandado pa ng kwarto mo, Iris.”

“Ah, sige po. Goodnight!”

VI

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Hindi kita kapatid. Hindi kita kaanu-anuman.”

“Imposible! Nakikita mo namang magkamukhang magkamukha tayo!”

“Alam ko. Mahirap ito mapatunayan. Ngunit ito ang katotohanan.”

“Katotohanan? Ang katotohanan ay magkapatid tayo!”

“Hindi!”

Hindi ko na kinaya ang aking pagkagalit. Umalis na ako sa parke at dumiretso na sa aking bahay.

VII

“Sige, matulog ka na.”

“Bubuka na kaya?”

“Sige po.”

“Kailangan ko na ang araw at ang tubig.”

“Adam?”

“Ibulong mo sa akin ang katotohanan.”

“Bakit?”

“May kapatid ba ako?”

“Maaari po ba akong magtanong sa iyo?”

“Kung gayon, bakit ko siya kamukha?”

“Ano iyon?”

“Parehas man kaming bulaklak…”

“Hindi ko po alam kung paano ko po sasabihin sa inyo.”

“Hindi ko alam kung bakit magkaiba kami ng uri.”


“Sabihin mo lang, Iris.”


“Sabihin mo po sa akin.”


“May itinatago ba kayo sa akin?”

“May pagkakaiba ba ang mga bulaklak?”

“Paano napasaiyo ang envelope na iyan?”

“Paano napasaakin ang kanyang mga katangian?”

“Hindi mo dapat malaman ang mga iyan!”

“Ano ba talaga ang isang bulaklak sa hardin ng mga bulaklak?”



VII

Nakita ko muli sa Rose sa parke sa gitna ng lungsod. Nakaupo siya sa bangketa, sa harap ng nalalantang mga rosas. Umiiyak siya. Nilapitan ko siya at kinausap. Maga ang kanyang mga mata kakaiyak. Tinanong ko kung mula anong oras pa siya umiiyak. Hindi niya ako masagot. Papalapit nanaman ang kasintahan niya. Tumitibok nanaman ang aking puso. Ang bigat, ang sakit. Hindi ko makayanan ang sakit. Huwag n asana siyang lumapit. Huwag.

Naaalala ko noon, nung una kong makilala ang kasintahan ni Rose. Nasa loob kami ng Shakey’s. Kumakain ako roon sa ibang lamesa. Hindi ko kasama si Rose. Nagkataon lang na sa parehong kainan kami napadpad. Kasama siya ni Rose. Nang makita ko siya ay tumibok na ng mabilis ang aking puso. Namataan ako ni Rose sa waiting line at yinaya niya akong sumama sa kanilang dalawa. Mapilit pala si Rose. Wala akong magawa kundi sumama. Habang papalapit ako sa kanila, palakas ng palakas ang tibok ng puso ko. Bumibigat ang pakiramdam ko at kinakabahan na sinasamahan ng lagnat. Hindi ko na kinayang tumayo at umupo na ako kaagad.

Ipinakilala ni Rose sa akin ang kasintahan niya. Umorder muli ng pizza para sa akin at ng ice cream. Sila ang tipong cute couple ng mga taong taga showbiz. Made for Heaven, kumbaga. Ngunit pag iniisip ko ito, naiinis ako at napupuno ako ng galit. Hindi ko makayanan ang tignan silang dalawa at iniisip na ako ang kasama niya. Inaalis ko si Rose sa litratong likha ng isip ko.

Nagpasalamat ako sa kanilang dalawa para sa pagkain at binayaran si Rose. Nang ako ay papalayo, pumasok sa isip ko ang kasintahan ni Rose. Napatigil ako at umupo sa lobby ng isang hotel na malapit lang. Nanaginip ako ng mga magagandang kaganapan na ako lamang at ang kasintahan niya. Maya-maya’y malakas nanaman ang tibok ng puso ko at namumutla na ang aking pisngi at lumalamig na ang temperatura ko. Sinubukan kong kapain ang aking iniksyon ngunit hindi ko ito mahanap sa aking bag. Tinuluyan na ako sa hotel. Pagkagising ko, nasa ospital na ako, kasama sina Adam at si Eve. Naroon din si Rose. Kinaiinisan ko siya.

Ang susunod naming pagkikita ay ang date nilang dalawa sa isang fine dining restaurant. Napadaan lang ako sa kinakainan nila at nakita ko silang dalawa nakaupo doon at nag-uusap ng maligalig. Kay ganda ng chandelier sa itaas ng kanilang mesa at ng mga kandila na nakapatong sa kanilang mesa. Ipinagdasal kong mamatay na sana ang mga nakasinding mga kandila na iyon. Hindi ko na sila nilapitan pa. Baka kung ano pa ang magawa ko. Naglakad na muli ako.

Habang iniisip ko muli ang nakita ko sa daan, umatake nanaman ang sakit ng aking puso. Mabilis nanaman ang daloy ng dugo ko. Hinanda ko na ang aking iniksyon at napansin kong nanlalamig nanaman ang aking mga kamay. Sinaksak ko na sa sarili ko ang iniksyon. Bumalik na sa normal ang temperature ko matapos ang ilang mga sandali, ngunit masakit pa rin ang aking dibdib. Nahulog ako. Nabagsak ko ang aking bag at ang iniksyong hawak ko. Kakaibang sakit ang nararamdaman ko. Hindi pangkaraniwang sakit. Hindi ako makatayo. Napansin kong lumabas na ng kainan sina Rose at namataan pa nila ako. Sa lahat pa ng panahon, ngayon pa? Nilapitan nila ako at si Rose ay nag-aalala. Nang mahawakan akong kasintahan niya, hinimatay na ako.

Dito ko nalaman ang dahilan kung bakit ang mga clone ay namamatay pag dating sa ganitong edad.

Tinignan ako ni Rose at nagmakaawa na siya sa akin. Wala na siyang mahanap na iba pang donor ng puso. Puro incompatible daw. Hindi na niya alam kung ano ang kanyang gagawin. Maging ako, hindi ko na alam ang aking gagawin. Huwag mo na sana dagdagan ang sakit! Umiyak ako at nagmakaawang ipalayo ang kanyang kasintahan.

“Bakit?” paiyak niyang itinanong.

“Nasasaktan akong makita kayong dalawa. Hindi ko na gusto ito! Mahal ko siya, Rose! Ipalayo mo siya at mapapasaiyo na ang puso ko!”

VIII

Dinala ako nina Adam at nina Eve sa kwartong pinaroroonan ng filing cabinet. Nilabas nila ang lahat ng mga papeles na may kaugnayan sa akin at sa aking mga tanong.

“Iris, ikaw ay isang mahalagang bagay na binigyang buhay sa pamamagitan ng siyensya. Patawarin mo sana kami, dahil sa dami ng aming mga kasinungalingan sa iyo. Mahalaga ka sa amin, Iris. Ikaw ang kauna-unahang matagumpay na proyekto naming ni Adam. Huwag mo sanang mapagkamalan ang aming pagkakamali bilang isang bagay na ginawa upang gawan ka ng kasamaan. Hindi naming nais na masaktan ka, Iris. Ngunit ang araw na ito ay talagang ipararating. Sana ay maintindihan mo kung bakit ka naririto ngayon.”

“Ikinalulungkot naming sabihin sa iyo, na ang iyong buhay ay hindi nagtatagal. Marami nang mga clones ang namamatay ng sila ay maging teenager. Ikaw pa lamang ang clone na nagtagal ng ganito. Masaya kami para sa iyo. Sana ay tumagal ka pa hanggang sa pagtanda mo. Hindi pa naming alam kung bakit namamatay ang mga clone ng maaga. Sana lang ay hindi ito mangyari sa iyo.”

Kumidlat nang may kumatok sa pintuan namin. Sinalubong ito ni Eve. Nakita kong pumasok si Rose sa sala.

“Tinawagan naming siya kanina, nang iyong itanong ang iyong katauhan. Natural lang na magtatanong ka. Inasam na namin ang panahong ito. Si Rose ang pinanggalingan ng iyong mga katangian. Siya ang tumatayong nanay mo.”

“Hindi namin inaasam na kailangan ka na naming ipamigay, Iris. Kailangan ka ni Rose upang maresolbahan ang sakit niya sa puso. Ikaw lamang ang may pusong compatible para kay Rose.”

“Hindi kita pinipilit, Iris. Kung ayaw mo, ok lang. Hindi na kita pipilitin pa. Gusto lamang kita maging kaibigan. Nais din ng aking magulang na ipahatid ko sa iyo ang liham na ito. Ito ang magpapaliwanag ng lahat.”

Inabot sa akin ni Rose ang liham na hawak niya. Tinanggap ko ito at binasa.

Mahal naming Iris,

Magandang gabi! Kamusta ka na, iha? Binabati ka namin at marunong ka nang magbasa! Alam mo bang ang mga espesyal na tao katulad mo ay hirap matutong magbasa?

Hindi namin alam kung kailan mo mababasa ang liham na ito ngunit gusto na naming humingi ng tawad dahil wala kami sa tabi mo. Patawad dahil hindi kami ang nag-alaga sa iyo, hindi kami ang nagturo sa iyo maglakad, magsalita, magsulat at kumain ng tama. Masakit para sa amin, bilang iyong tumatayong magulang, na hindi ka makapiling dito sa aming tahanan ngunit hindi namin alam kung paano mag-alaga sa iyo. Inasa ka namin sa mga espesyalista sa mga taong espesyal katulad mo. Hindi namin gustong masira ang iyong kinabukasan dahil sa aming di maayos na pag-aalaga. Sana’y maunawaan mo ito.

Natutuwa kami at ikaw ay nabuhay hanggang sa ganitong taon. Isa kang maswerteng babae. Ngunit, ikinalulugod naming sabihin na ang dahilan ng iyong pagkabuo ay papalapit na.

Noong fetus pa lamang si Rose ay napansin na ng mga doktor ang abnormal na paglaki ng puso niya. Ikinalulugod naming sabihin na ikaw, Iris, ay ang solusyon para magamot ang sakit ni Rose. Itinakda ang araw ng operasyon ni Rose sa puso. Ikinalulungkot naming sabihin na ang puso mo ang ilalagay sa lugar ng puso ni Rose.

Nang ikaw ay ginagawa habang nasa loob pa ng tiyan ng nanay Mary mo si Rose, nagawa ng mga espesyalista na iayos ang genetic foundation ng puso mo. Dahil nagawa nila ito, tuloy ang operasyon para kay Rose. Ngunit, kung tutuusin, dalawang operasyon ang lumitaw sa proseso. Nadiskubreng maaaring makagawa ng mga tao mula sa genetics lamang at maaaring mailigtas ang buhay ng isang tao sa pamamagitan nito. Hindi sa ginugusto naming maoperahan kayo ni Rose, gusto lang namin na maging maayos ang inyong mga buhay. Hindi ka naming pinipilit na ibigay ang iyong pus okay Rose. Ikaw ang may pasya. Ikaw ay may karapatan.

Sana ay maayos na ang kaguluhang bumabagabag sa isipan mo at sana’y ang liham na ito ay magbibigay-liwanag sa lahat ng kadiliman sa iyong pagkakatao.

Muli, patawad, mahal, dahil hindi ka naming nabigyan ng sapat na pansin at hindi ka na naman naantabayanan at nasamahang lumaki.

Ngunit, sana, ay malaman mong palagi ka naming mamahalin at hinding-hindi ka namin malilimutan.

Maraming Salamat, Iris, at sana’y makamit mo ang lahat ng iyong mga pangarap.

Patuloy na nagmamahal,

Alexander and Mary Lancaster

Tiniklop ko muli ang liham at kinagat ang aking mga labi. Hindi ko namalayang nahuhulog na pala ang aking mga luha habang binabasa ang liham. Umiyak na lamang ako nang matapos ko basahin ang liham.

Matapos ang ilang saglit, tinanong ako ni Rose kung ano ang aking magiging desisyon.

“Hindi ko ibibigay ang aking puso.”

Tumigil na ang pag-ulan at maging ang pagtibok ng mapagmahal na puso ko.

IX

Naaalala ko ang huling dalaw ko sa ospital. Naospital ako dahil sa mataas na lagnat. Iyon ang akala ko. Naospital talaga ako dahil sa genetic malfunction. Hindi ko ginusto ang mga operasyon nila sa akin noon. Masakit. Hindi kayang paalisin ng anesthesia.

Ngayon, maaaring huling dalaw ko na ito sa ospital. Maaaring hindi na ako magising pa muli at matanaw pa ang kagandahan ng kalikasan at ang kagandahan ng mga bulaklak sa parke. Ang mga mapupulang rosas at ang mapuputing iris.

Tinanong sa akin kung ano ang gusto kong huling makita. Nang maalala ko ang mga bulaklak na iyon, nagpapitas ako sa mga nars dun sa parke. Mabuti naman at nahanap nila iyon. Higit na ikinaligaya ko ito.

Pumasok na si Rose sa kwarto. Niyakap niya ako. Tumingin ako sa pinto, kung may kasama ba siyang iba. Wala akong nakitang ibang tao. Nalungkot ako, dahil inaasahan kong darating ang mga magulang ni Rose. Ngunit siya lang mag-isa. Nagyakapan kaming dalawa habang tinitignan lamang ako nina Adam at ni Eve.

“Tama ang iyong desisyon, Iris.”

Sumang-ayon lamang ako, lumuha at umiyak.

Pinatawag na kami ng mga doktor at pumasok na kami. Tuloy-tuloy ang daloy ng luha sa aking pisngi ngunit handa na ako. Hindi ko alam kung bakit. Siguro isang genetic malfunction nanaman. Humiga na ako sa kama at ikinabit na ang mga kung anu-ano. Iniksyunan na ako ng pampatulog. Ngumiti na lang ako, dahil ang huling mga bagay na naramdaman ay ang piling ni Rose at ang huli ko namang nakita ay ang mga pulang rosas at puting iris. Napapikit na ako at nanaginip.

Namimitas ako ng mga rosas sa isang magandang hardin. Punung-puno ito ng mga bulaklak. Iba’t iba. Kay sarap magsitakbo sa mga bulaklak. Wala kang ibang maaamoy kundi ang amoy ng bulaklak. Nakikita ko na ang mga rosas ay masagana at maging ang mga iris. Ito lamang ang mga kinuha ko. Ipinagdikit ko ang mga rosas at ang mga iris, at nagsalin sila ng kulay. Naging pula’t puti ang dalawang bulaklak.

****

Nagkaroon ng komplikasyon ang operasyon nila Rose at Iris. Tanging magdasal na lamang ang magagawa ng mga nag-aantay. Umiiyak si Rhodonderon. Kinakalma siya ni Alexander at ni Adam. Si Eve naman ay kinakalma si Mary. Kinakailangan isalin ang utak ni Iris kay Rose. Ito ang kanilang ginawa.

****

X

Matapos ang operasyon, nagising ako. Una kong nakita ang mga puting Iris. Nabuhay pa ako. Napaiyak ako sa tuwa. Hinawakan ko ang mga iris at inamoy ang mga ito. Lumingon ako at nakita kong nakahiga sa aking tabi ang katawan ni Rose. Bumangon na ako at tumingin sa salamin. Medyo nahihilo pa ako. Nahirapan akong pumunta sa salamin. May mga pagkakataon na halos mahulog ako sa paglalakad. Nang maabot ko na ang salamin, tinignan ko na ng mabuti ang aking sarili at nagulat. Tinignan ko muli ang katawan ni Rose at sa salamin. Nagulat na lamang ako at nagkanunal na ako sa aking pisngi.

Napansin ko lang bigla na ang mga iris na aking inamoy ay mga puting rosas pala.

Puting Rosas

Ngayon at nabubuhay ako, sa panahong hindi ko aakalaing aabutin ko, ikinasal ako at nagkaanak. Ipinangalan ko sa aking asawa ang anak kong lalaki, si Rhodonderon at sa aking sarili ang anak kong babae.

“Iris! Huwag mong hawakan ang kutsilyo!”

“Opo, mama Rose!”

Mahirap man tanggapin, nalalanta na ang mga bulaklak sa tabi ng aking kama sa ospital – ang pulang rosas maging ang mga puti.

“Huwag mong papalitan ang mga rosas na pula!”

“Bakit mo po sinasabi ang mga iyan?”

“Huwag mong papalitan!”

“Bakit niyo pong nasabing hindi naming kayo ina?”

“Huwag mong papalitan ang mga rosas! Iiwan mo na din ang mga puting rosas! Palitan mo na ang lahat huwag lang ang mga rosas!”

“Nanay, wala pong puting rosas, puro Iris lang po.”

****

Ngunit, sana, ay malaman mong palagi ka naming mamahalin at hinding-hindi ka namin malilimutan.

Ngunit, sana, malaman mo, hindi lahat ng bulaklak ay maagang nalalanta.

****

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

%d bloggers like this: